“Ang butihing Pinoy ay ngiti ng Diyos sa lupa.”

IgCo 100% Natural Colostrum Skim Milk

IgCo 100% Natural Colostrum Skim Milk
Experience the health benefits! Now available in the Philippines

Syanga Naman, May 2008

Kakaiba at bukod-tanging "paboritismo". Akala ba ninyo ay tinawag ni Yahweh si Abraham dahil siya ang pinakamagaling sa lahat ng tao sa daigdig o dahil paborito siya ng Diyos? Sa tingin ko, ang tanging dahilan kaya napili si Abraham ay dahil ginagawa siyang daan ni Yahweh para mabendisyunan at mailigtas ang sangkatauhan. Sa kanyang lahi mag-uugat ang Tagapagligtas, ang bagong Adan. Ganyan din ang dahilan kung bakit napili ang Israel bilang Bayan ng Diyos. Kapag pumipili ang Diyos, hindi ito para sa kapakanan lang ng tinawag at pinili kundi para maipamahagi ng Diyos sa pamamagitan nila ang walang hanggan at walang umay niyang pagmamahal. Dahil dito, ang bokasyon ay biyaya o regalo. Pero hindi ito isang ari-ariang personal (personal property). Syanga naman.
Ang "orig" na Nobena. Minsan ay nilapitan ako ng isang butihing manang na wari ko ba'y litung-lito. Itinanong niya kung bakit sa kanyang parokya ay may nobena para sa Pagbaba ng Espiritu Santo (Pentecost). Ang alam daw niya ay para lang sa mga Santo at sa Mahal na Birhen ang nobena. Nagliwanag ang mga mata niya nang sagutin ko siya na sa katunayan iyon nga mismong paghihintay sa Espiritu Santo ang unang nobena. Nang muling mabuhay ang Panginoon, pinagbilinan niya si Maria Magdalena na sabihin sa mga Alagad na manatili sa Jerusalem para manalangin at maghintay. Ang paghihintay ng mga Alagad doon sa pinagdausan ng Huling Hapunan (senakulo) kasama ang Mahal na Birheng Maria ang kauna-unahang nobena. Iyon din ang dahilan kung bakit sa ibang bansa, idinadaos ang Pag-Akyat ni Jesus sa langit sa araw ng Hwebes. May pagitan itong siyam na araw, bilang ng nobenaryo, bago dumatal ang Pagbaba ng Espiritu Santo. Tapos, idinagdag ko sa paliwanag sa butihing manang na dapat ituwid natin ang medyo napalihis nating diwa kung bakit tayo nagnonobena. Kasi, sa orihinal na nobena, pinapaghintay ni Jesus ang mga Alagad sa Tagapatnubay (Espiritu Santo) hindi sa materyal na swerte. Pinapagdasal niya sila upang lukuban sila ng kapayapaan, ng ibayong mapagmahal na kagitingan, ng Easter Joy, ng kakayanang maunawaan ang kalooban ng Diyos, atbp. Syanga Naman.
Night market sa Lipa. Maganda itong karanasan namin dito sa Lipa tungkol sa night market. Para mabigyan ng pagkakataon ang mga walang pwesto sa palengke na makapagtinda ng mga kakanin, gulay, pang-ulam, minatamis at prutas, pinahintulutan sila ni Mayor Gozos na makapagtinda sa gitna ng P.Torres St. Malapit ito sa palengke at malapit din sa Cathedral. Dahil dito, ang mga galing opisina o mga college students na walang oras makapagluluto ay doon na mismo namimili ng mga murang hapunan na native na native. Ginagawa ito gabi-gabi at lagi itong dinudumog ng mga tao. Parang night market ng Hong Kong ang dating. Kawawa nga lang ang mga tindera at tindero kapag napapagtripan sila ng malakas na ulan. Pero super at da bes ang night market lalo na noong Simbang Gabi. Kung sa McDo at iba pang fastfoods ay masaya ang pinoy dahil nakakain na sila nang mura na feeling rich pa sila, dito naman sa night market ay masaya din ang mga taga-Lipa dahil feeling busog na busog ka na, may dagdag pa itong feeling na nakatulong ka pa sa mga bayani mong kababayan na mas nanaising kumita nang pakaunti kaunti para maigapang ang kanilang mga anak. Nakatulong ka na bilang mamimili, nakamura ka pa. Syanga naman.
Napipintong tag-ulan. Ngayong halos nasa kalagitnaan na muli tayo ng Mayo, darating na naman ang tag-ulan. Kapag umuulan, kahit mag-brown out ay hindi na parang nakakapugto ng hininga dahil sa init ng panahon. Alam nyo, miss na miss ko na ang tag-ulan. Noong ako ay nasa abroad, marami akong naaala-ala kapag umuulan, lalo na tungkol sa elementary schooldays ko: miss ko yung tunog ng malakas na ulan sa aming bubong na yero nang hindi pa uso ang kisame; miss ko yung sarap mamaluktot sa banig kung rumaragasa ang bisitang ulan sa gabi; yung sarap maglaro sa ulan, magtampisaw sa baha kung dumarating naman ito kung araw; yung bagsak ng ulan sa tuktok ng aming ulo kapag tumatapat kami noon sa alulod; yung pamamahaw kahit ng kanin lang at asukal pagkatapos makapag-enjoy sa biyaya ni Brother Ulan. Ngayong malapit na akong mag-53, at andito na ako sa RP, merong kakaiba namang "ulan" akong namimiss: ang "pag-ulan" ng mga lingkod-bayan at mga mamamayan na nagmamalasakit at nagsasabi at gumagawa ng totoo. Syanga naman.
Alamat ng GDP. Balik tayo sa pangangarap ko sa mga tunay na lingkod bayan: Tulad niyan, malimit kong mapakinggan yung argumento na "hindi talaga tayo naghihirap sa RP dahil nitong nakaraang 2007 ay nakamtan natin ang 7.3 per cent growth ng ating GDP (Gross Domestic Product)." Sa isinulat ni dating Ambassador Roy Seneres sa Inquirer, 12 May 2008, ang GDP, sa simpleng pananalita ayon sa kanya, ay ang dami ng goods at services na binili at napakinabangan natin dito sa ating bansa. Mula ito sa sabon hanggang appliances at luxuries na nabili natin. Mula ito sa services mula LRT hanggang call centers, etc.
Papaano bang hindi lalaki ang ating GDP eh nag-national election tayo nang Mayo at nag-barangay election tayo noong Disyembre 2007, pagpapatuloy ni Amb. Seneres. Bilangin na lamang nyo ang mga kandidatong senador, congressmen, governors, mayors, barangay chairmen, etc. na nangailangang bumili ng mga regalo para sa matinding pangangailangan ng kanilang minamahal na mga supporters. Bukod pa ito sa dami ng pinamili ng mga pamilya ng ating mga bayaning OFWs na nagsu-supply sa ating bansa ng $18 billion. At syempre namili rin ang mga kagawad ng mga militar at mga empleyado ng pamahalaan na nagsikap nang husay na sa accounting ay walang bahaging bubukol. Pero ang problema, ang lahat ng kagastusang ito para sa goods at services ay hindi yaong mga industriya at investments na sustainable na magbibigay ng employment sa dami ng ating mga jobless na tapos ng college na halos isang kahig isang tuka na rin. At mas kawawa yung mga hindi nagtapos at walang koneksyon. "Tatlong kahig na sila, wala pa ring matuka". Sana umulan ng 7.3 per cent growth ng GDP na dumadaloy lalo na sa mga kababayan nating pilit na nagsisikap. Syanga naman.
Mapalad na magtitinda ng sampaguita. Kahit noong Abril pa ay marami nang batang nagbabakasyon ang nagtitinda ng sampaguita dito sa may simbahan. Isang araw, sinubukan ko silang kausapin. Tinuruan ko sila ng isang trick para mabilhan sila ng mga tao. Sabi ko, "Kahit alas dos na ng hapon at nag-aalok kayo sa mga dumadaan sa patio ng simbahan, sabihin ninyo na 'Bossing/Miss, bili na naman po kayo. Bwena mano po lang ito. Sige na naman po'." Alam po ninyo ginimbal po ako ng batang si Pedro, isa sa apat na magsasampaguita na kaharap ko noon. Sinabi niya na may halong lungkot na hindi niya ito magagawa dahil isa itong pagsisinungaling. Napaisip ako. Medyo napahiya rin. Tama nga pala yung sabi ng Panginoong Jesukristo na "mapapalad ang mga bata". Syanga naman.

1 comments:

Anonymous said...

I love you monsignor