Ang budhi. Ayon kay H.L. Mencken, ang budhi raw ay "isang biyenang babae na ang pagbisita ay walang katapusan". Dahil wala akong biyenan na pwedeng biruin, mas ayon ako sa kasabihang "ang budhi ay ang boses ng Diyos sa ating puso". Pero hindi lahat ng budhi ay pare-pareho. Merong edukadong budhi, merong out of school, at merong bulag-pipi-bingi-pilay dahil ayaw gamitin ang pinag-aralan o dahil ginawang manhid ng kasalanan. Syanga naman.
Ala-ala ng kambing na papatayin. Meron kaming kapitbahay na bumili ng kambing isang linggo bago sila mag hapi-hapi. Kung makatili ang kambing na ginugutom ay napakalakas. Para bang batang umiiyak. Nang iabot sya ng kapitbahay sa bakod sa porma na ng isang tagayang kaldereta, hindi ko nakuhang tumikim dahil naaala-ala ko ang kawawa nitong pagtili sa pagkagutom. Kung ang pagtili ng kambing dahil sa gutom ay nakaka-konsyensa, mas-higit sanang maka-konsyensya ang unborn child at sinumang tao na walang tinig sa lipunan. Syanga naman.
Jokes at storytelling sa pulpito. Hindi masama ang magsingit ng kwento sa sermon. Si Kristo nga, sa pangangaral sa may dalampasigan, sa kabundukan at sa mga bahay-bahay ay gumamit ng mga kwento at talinhaga. Ang mga kwento ay malaking tulong para gawing relevant si Kristo at ang Ebanghelyo, hindi ang tagapangaral mismo. Di dapat ito sala sa putukan. Kung ang layon lang ng nangangaral ay magpatawa o gumising, di kataka-takang umuwi ang mga sumisimba na walang natatandaan tungkol kay Kristo at sa Kaharian ng Diyos. Ang maaala-ala ng mga tao ay yun lang kwento at ang preacher na komedyante, hindi ang hamon ng mensahe ng Ebanghelyo. Syanga naman.
Aksyon kaagad! Nang tinawag ni Jesus si Zaqueo sa kanyang pangalan doon sa puno ng sikomoro, nang nakituloy si Jesus sa kanyang bahay kahit siya'y makasalanang puno ng mga tax collectors, nang mabasa ni Jesus sa kanyang mukha ang lumbay sa gitna ng kanyang kariwasaan, nagkameron siya ng total conversion. Agad niyang itinalaga ang sarili sa Diyos at kinilala niya na ang pagtatalaga (commitment) ay magbunga dapat ng aksyon. Dahil dito, sa gitna ng mga tsismis laban sa kanya, ipinangako niya kay Jesus na ang kalahati ng kanyang ari-arian ay ibibigay nya sa mahihirap; at kung may nadaya man siyang sinuman, apat na ibayo ang kanyang ibibigay. Practically, walang matitira sa kanyang lukbutan. Iyan ang tunay na halaga at ligayang dulot ng pagbabalik-loob. Syanga naman.
Katiwala o katiwaldas. Kagaya ni Zaqueo, pwede rin tayong tawaging mga "magnanakaw", bagaman ito ay sa iba't-ibang antas. Mga "magnanakaw" tayo kung inaabuso, sinasarili at sinasayang natin ang ating katawan, ang ating mga nasasakupan, talino, kayamanan at kapangyarihan. Sapagkat ang mga ito ay ating hiram lamang. Tayo ay mga katiwala lamang. Syanga naman.
Iyakan sa Wowowie. Minsan ang naging guests sa noontime show na Wowowie ay mga honor students ng elementary schools. Matapos magtagisan, merong tatlong nanalo. Dahil hindi malaman ni "Papi" kung kangino niya ibibigay ang special prize sa tatlo, tinanong niya ang isa sa kanila kung kangino nga dapat. Nagulat na lang si Willy at ang buong audience nang sumagot ang isang bata na mas dapat ibigay ito sa isa sa mga na-eliminate na contestant dahil sobra ang kanyang ipinakitang galing di nga lang sinuwerte. Ganon din ang sagot ng dalawa pang finalists na nahawa sa kadakilaan ng tinanong na bata. Napahagulhol ang na-eliminate na contestant nang iabot sa kanya ang special prize dahil sinabi nyang hindi niya ito inasahan. Nabakas sa kanya ang nawalang sama ng loob bunga ng pagkatalo. Ipinakita sa camera ang mga luhaang audience bunga ng kadakilaan ng tatlong batang finalists. Kay gandang halimbawa. Syanga naman.
Mapapalad ang mga bata. Minsan, isinama ko sa sinehan si Fidex, ang pamangkin kong babae na grade IV. Napansin ko na lagi niya akong tsini-check kung ako baga ay natutulog para hwag masayang ang ticket. Dahil observant, palingun-lingon din siya sa balcony. Pagkatapos ng sine, isa sa mga naitanong ka sa kanya ay kung ano ang masasabi niya sa mga nakita niya. Napansin daw niya na maraming pares sa balcony ang "nagbubulungan". Syanga naman.
Mapapalad ang mga mapagpakumbaba. Ang kapahamakan ng mapagmataas ay hindi dahil namumuhi lang ang Diyos sa pagmamataas. Hindi rin nababatay ito sa sad experience ng Diyos kina Eva't Adan, ganon din kay Lucifer. Ang kapahamakan ng mga mapagmataas ay bunga ng kanilang matigas na saloobin na di na nila kailangan ang awa at patawad ng Diyos. Syanga naman.
Tagumpay. Ang daan raw tungo sa tagumpay ay laging "under construction". Wala pating kabusugan ang tao. Kahit tapos na sa isang project, nag-iimbento na naman siya ng panibagong pangangailangan (created needs). Salamat naman sa Diyos at merong mga pastol na naglilinaw at nagpapakita kung ano nga ang tunay na ibig sabihin ng tagumpay at kung alin nga ba ang pangunahing project ng ating buhay. Syanga naman.
0 comments:
Post a Comment