“Ang butihing Pinoy ay ngiti ng Diyos sa lupa.”

IgCo 100% Natural Colostrum Skim Milk

IgCo 100% Natural Colostrum Skim Milk
Experience the health benefits! Now available in the Philippines

SPE SALVI facti sumus

Kung ang unang encyclical ni Pope Benedict XVI ay tungkol sa "pag-ibig" (Deus Caritas Est), tungkol naman saan ang sumunod? Ang pangalawang encyclical ay tungkol sa "pag-asa". Pinamagatan itong SPE SALVI facti sumus (in hope we are saved). Hinango ang pamagat na ito mula sa sulat ni San Pablo sa mga taga-Roma 8: 24. Pinirmahan ito nang 30 November 2007, kapistahan ni San Andres.
Teka muna, ano ba ang pagkakaiba ng Papal Encyclical sa Apostolic Exhortation? Ang Encyclical ay circular letter ng Papa na kalimitan ay naka-address sa mga obispo ng isang bansa, continent o ng buong daigdig. Medyo mas-personal ang approach nito kung ihahambing sa Papal Bull at Apostolic Constitution. Ang nilalaman nito ay may kaugnayan sa paglilinaw sa isang isyu o doktrina. Samantala, ang Apostolic Exhortation naman ay kalimitang isang letter of encouragement na sumusuloy mula sa Sinodo (Kapulungan) ng mga Obispo ng buong daigdig na idinadaos sa Roma bawat ika-apat na taon. Ang topic ng ordinary synod na ito ay nagmumula na rin sa panukala ng mga obispo ng buong daigdig na sa tingin nila ay isang isyu na napaka-relevant sa panahong kanilang ginagalawan.
Ano ang principal issue na tinalakay ng Spe Salvi? Sinuri ni Pope Benedict XVI yung pagsamba ng tao sa human progress na nag-uugat sa siyensya at kalayaan. Nagsimulang sumuloy ito noong 17th century Europe kung saan nagsanga at lumawig ang Enlightenment, French Revolution, Komunismo at iba pang sekularistang pilosopiya.
Paki-paliwanag pa nga nang konti pa. Kasi, noong 17th century tinuligsa nila ang Simbahan. Ginagamit daw lang ng mga kapitalistang mang-aapi ang Simbahan para hwag mag-alsa ang mahihirap sa gitna ng katiwalian. Hindi sila nag-aalsa dahil pinapaniwala daw silang merong "pie in the sky" sa huling paghuhukom.
Ano namang solusyon ang inialay ng mga pwersang ito laban sa Simbahan? Niyakap nila ang materyalistang pilosopiya na nagsasabing ang tunay na progreso ay dapat manggagaling lang sa agham at teknolohiya. Ganon din, ang istruktura ng pulitika at ng gobyerno ay dapat produkto ng talino (reason) at hindi dikta ng Simbahan. Samakatwid ang "reason" ang ugat ng progreso. Tumatanggal ito ng lahat ng uri ng dependencies at nagbibigay ng ganap na kalayaan sa tao at kaganapan ng tao. Samantala, idinagdag pa ni Marx na ang tunay na progreso ay hindi talaga manggagaling sa agham (science) mismo kundi sa isang "pulitika na pinag-isipan scientifically".
Naging tagumpay ba ang materyalista at sekularistang solusyon? Hindi, sapagkat sa bandang huli, napatunayan natin sa Russia mismo at ibang bansa na kahit pa ang sistema ay bunga ng masusing analysis at kombinasyon ng siyensa at good practice, ang political at economic structure ay mananatiling marupok kung hindi nag-uugat mismo sa moral growth ng tao. Kung walang ethical principles ang siyensya, pulitika at teknolohiya, ang mga ito ay pwedeng gamiting instrumento, katulad ng nangyari na nga sa iba ding bansa, hindi sa kabutihan kundi sa kapahamakan ng bawat isa at ng lipunan.
May nabanggit ang Papa na sa "small hopes". Ano yun? Sinabi nya na Oo nga, kailangan natin ang mga pag-asa, maliliit o malaki, na bawat araw ay sumusuporta sa ating paglalakbay. Ang problema, matapos makamtan natin ang maliliit na pag-asa, hindi tayo nakakaramdam ng ganap na satisfaction. Kaya nga, kailangan ng maliliit na pag-asa ang Malaking Pag-asa (Diyos mismo). Siya ang pundasyon ng lahat ng ating pagsisikap at perseverance. Siya ang Pag-asa na may "human face" na nagmahal sa atin hanggang katapusan.
Sa buhay Kristyano saan natututunan o saan ang lugal ng training ng pag-asa? Ang sagot sa tanong na ito ay syang bumubuo ng ikalawang bahagi ng encyclical (nn. 32-48):
1. Ang panalangin ay paaralan ng pag-asa. Dito binanggit ng Papa ang mga yumaong Cardinal Van Thuan at Santa Josephine Bakhita ng Sudan . Nabilanggo si Cardinal Van Thuan sa Vietnam sa loob ng 13 taon. Ang siyam na taon nito ay solitary confinement. Samantala, si Santa Josephine Bakhita naman ay naging alila at biktima ng mga slave traders. Sa pagkabilanggo ng una at pagka-alipin ng pangalawa naranasan nila ang tunay na panalangin at purification na nagbukas ng kanilang puso sa Diyos. Ang pagiging bukas sa Diyos ng pag-asa ang naghanda sa kanila para sa paglilingkod sa kapwa. Naging ministro sila ng pag-asa para sa iba.
2. Ang aksyon at paghihirap ang lugal ng training ng pag-asa. Ang "pagkilos" ay lugal ng training ng pag-asa dahil ang kristiyanong pag-asa ay hindi tamad. Ang kristiyanong pag-asa ang nagsusuporta sa atin araw-araw na pagtatalaga ng sarili, lalo na kung ubos na ang ating kakayanang makatao. Nagtutulak ito sa aksyon. Ang seryosong pagkilos ay isang aksyon ng pag-asa (n.35).
Ganon din, ang paghihirap ay lugal ng training ng pag-asa. Hindi ang pag-iwas sa paghihirap ang nagpapagaling sa atin. Ang kakayanang harapin ito ang nagdudulot sa atin ng maturity. Kung hinaharap ito bilang pakikiisa kay Kristo na "nakaranas bumaba din sa mga impyerno", nagkakameron ng kahulugan ang ating paghihirap. Ang dilim ay ginagawang liwanag.
Para lumago ang pag-asa, ang panalangin natin ay dapat magabayan ng mga dakilang panalangin ng Simbahan at ng mga santo, ng mga panalangin ng pagsamba kung saan tinuturuan tayo ng Panginoon ng tamang pagdarasal (n.34). Sa ganitong paraan, nagiging bukas tayo sa mas-malaking pag-asa at nagiging ministro tayo ng pag-asa para sa kapwa. Higit sa lahat, magandang tandaan na ang pag-asa, sa kristiyanong pang-unawa, ay laging pag-asa para sa iba".
3. Ang Huling Paghuhukom ay lugal din ng pampalakas at training ng pag-asa. Sa pagsampalataya sa Paghuhukom, na nakaugat mismo sa mga pangako ng Panginoon, sinisibulan tayo lalo ng pag-asa dahil tiyak tayo na darating ang tagpo ng pagtubos sa mga naging tapat at wakas ng kasamaan at kawalan ng katarungan. Kaya nga, nilinaw ng Papa na ang pananampalataya sa Huling Paghuhukom ay, una sa lahat, pag-asa mismo.
Ano ang papel ni Santa Maria sa ating pag-asa? Siya ang "tala ng pag-asa" na nagbabahagi ng liwanag ni Kristo. Si Kristo ang araw na gumapi sa kadiliman ng kasaysayan ng daigdig. Kasama ni Maria bilang bituin na nagbibigay ng liwanag ng pag-asa ay ang mga banal na namuhay nang tapat. Hwag kalilimutan, ang pag-asa, sa kristiyanong pang-unawa, ay laging pag-asa para sa iba.

0 comments: