People Power
Marami ang cynical lalo na sa probinsya tungkol sa kung dapat silang makilahok sa paghanap ng katotohanan at solusyon sa krisis ng Bansa ngayon dahil sa wala rin daw namang nangyari. Tinanong ni Ruben ang sarili niya kung saan nagkamali si Juan de la Cruz. Heto ang mga isinagot ni Ruben sa kanyang sarili:
Nang hindi na kinailangan ang Cardinal Sin power, bumangon naman mula sa hukay ang "sin" power.
- Ganon din, lumabo ang ibig sabihin ng reconciliation; naging "reconciliation", i.e., naglaho ang accountability. Sabi ng iba, yun ang missing link sa tagumpay ng People Power.
- Ang ibang kinatawan ng bayan sa Kongreso, Senado, atbp., sa halip na maging taga-check ng Nakaupo ay naging cheering squad (dahil diumano natapalan ang kanilang mata, tenga at bibig ng ibang uri ng check).
- Isa pa, ang nakakapangilabot na awiting "Bayan Ko" ay naging theme song lang ng "bayang api" o ng elementary at high school kapag Linggo ng Wika. Natabunan ito ng lakas ng volume ng sama-samang pag-awit ng mga muling nabuhay na Trapo (traditional politicians) at ng "bagong" politicians. Sa halip na "Bayan Ko", ang naging theme songs nila ay ang "Pamilya Ko" at "Weather-Weather Lang!".
- Dahil ang dasal ng iba ay para sa kaligtasan lang ng sariling kaluluwa at ang iba naman ay "Aba , Ginoong Barya", nalimutan na nila yaong kaluluwa ng Bayan.
- Marami pang dahilan kung saan maaaring nagkamali. Hindi ko na sasabihin, kasi ang daya nyo. Ako lang ang pinapapag-isip nyo. Pero pag pinilit nyo ako, sasabihin ko rin. He he he he he. Syanga naman.
Pebrerrrrrro-Marrrrrrso 2008. Dahil sa peculiar na kalamigan dito sa Lipa hanggang nitong mga unang linggo ng Marso, nadagdagan ang aking problema: bago maligo sa umaga, kung hindi kailangang magmadali, ay struggle talaga ako kung magbubuhos na o hindi muna. Brrrrrrrrrrrr! Daig pa ang lamig ng Pasko! Tabo system kasi ako, eh. Salamat na lang at mayroong salitang "mortification" lalo na kung Kwaresma. Pero alam ko, napakaliit itong sakripisyo kung ihahambing sa dinadalang krus ng ibang mga bumabasa nito ngayon. Napapag-usapan din lang naman ang "krus", alam ninyo, sinabi ni Santa Teresita ng Batang si Jesus na "wala talagang matamis na krus. Kung matamis ito, hindi ito tunay na krus". Wala po palang minatamis na krus. Hindi rin pwedeng pumili ng krus na gusto mo. At kung wala naman kayong krus, hwag naman sanang maging krus kayo ng iba. He he he he. Happy Easter in advance po sa inyong lahat. Syanga naman.
The Healer Priests. Akala ko ay sa Pilipinas lang at sa iba pang mahihirap na bansa hinahabol ng mga maysakit si Fr. Fernando Suarez dahil isa talagang kalbaryo ang magkasakit dito lalo na kung ang pamilya ng pasyente ay maysakit din sa bulsa. Bukod roon, uhaw sila sa milagro na galing sa Diyos. Sawa na kasi sila sa dami ng "milagro" na nangyayari sa komersyo at politika. Pero nang makita ko sa website ang schedule ni Fr. Suarez sa USA at sa Canada, napagtanto ko na sa North America din pala ay marami rin ang naghahanap sa kanya . . . hindi lang para sa kagalingan ng katawan kundi sa inner healing. Marami ang uhaw sa Diyos.
Hindi ako magtataka kung katulad ni Fr. Suarez, ganon din ka-busy ang timetable ng kilala nating healers dito na sina Fr. Joey Faller (Lucena) at Fr. Osorio, OSJ (Lipa). Sila man bilang healers ay nangangailangan ng ating panalangin upang makilala si Jesus na nagpapagaling sa pamamagitan nila. Alam po n'yo, minsan ay inimbitahan ako ng office clerk ng Lipa Cathedral para mag-Misa sa isa sa mga buwanang healing Masses. Dahil talagang busy ako, nagbiro ako sa kanya na kaya di ako makakapag-Misa ay baka ma-discover ako na healer din. Ha ha ha ha. Pero sa totoo lang, ipagdasal po natin ang ating mga healer-priests. Syanga naman.
"At the End of the Day . . .". Akala ko ay sa United Nations speeches ng mga country delegations lang uso ang expression na "at the end of the day
". Nahawaan din nila ang Kongreso, Senado, ang Square Off sa ANC, university campus at ang talk shows sa telebisyon. Hindi ito uso sa mga sermon ng pari sa Batangas dahil Tagalog ang sermon nila. Siguro, ito rin ang paboritong expression ni San Pedro sa pintuan ng langit. Sasabihin niya sa atin: "Oo nga, naging makasalanan ka dahil makasalanan at pinagkasalahan ka ng iyong kapitbahay. Medyo may dahilan ka. Pero 'at the end of the day' hindi mo ito pwedeng maging dahilan para ipagpilitan ang sarili mo na makapasok dito sa langit. Oo nga't makasalanan ang kapitbahay mo, eh ano naman ang ginawa mo?" Kaya nga, at the end of the day, magkakamot lang tayo ng ulo sa harap ni San Pedro at sasabihing, "Syanga naman".
Sa wakas, bakasyon na naman! Outing, youth seminars, liga ng basketball, Mayflower festival, piyestahan, internal tourism, summer job, vocational, drama and dance workshops, hataw ditto, hataw doon iyan ang mga nagbibigay-kulay sa bakasyon ng mga kabataan. Balita ko ay medyo magiging kaiba ngayon ang summer ng mga estudyante sa Maynila kung hindi kaagad matatapos ang krisis na dulot ng NBN-ZTE issue dahil magpapatuloy ang mga fora at martsa. Gusto rin kasi nila patunayang socio-politically conscious din ang mga kabataan ngayon.
Ewan ko ba, minsan ay mas-magaling pang mag-analyze ang mga kabataan, taxi drivers, vendors at labandera kung ano ang solusyon sa problema natin kung ihahambing sa mga Nakaupo sa itaas at sa ibang backseat drivers ng oposisyon. Naniniwala ako sa sinabi ni Helen Keller na "ang tunay na kalamidad sa buhay ng tao ay hindi yaong isilang kang bulag kundi yaong isilang kay may mga mata pero ayaw mo namang makakita." Gusto kong idagdag sa sinabi ni Helen Keller na "ang mas-masahol na kalamidad ay yaong bukod sa ayaw nilang makakita ay tinatakpan pa nila ang mata ng iba para hindi rin sila makakita." Aral din ito sa mga kabataan habang sila ay nagmamartsa hindi lang sa kalye kundi habang naglalakbay sila sa kanilang buhay propesyonal: "Yung ating bad habit ay nagsisimula sa pagtapak natin sa bagay na akala natin ay anlalawa lamang pero kapag lumaon ang anlalawa ay nagiging kable na gumagapos sa atin at bumubulag sa ating pagtingin sa katotohanan." Syanga naman.
0 comments:
Post a Comment