“Ang butihing Pinoy ay ngiti ng Diyos sa lupa.”

IgCo 100% Natural Colostrum Skim Milk

IgCo 100% Natural Colostrum Skim Milk
Experience the health benefits! Now available in the Philippines

Lent, third week

Ang Samaritana sa may Balon ni Jacob

Noon pong isang linggo naala-ala natin ang pagbabagong-anyo ni Jesus sa bundok. Ngayon naman ay tungkol sa pagbabagong-anyo ng buhay ng Samaritana. Mayroon pong 3 dahilan kung bakit siya ay biglang nagbagong buhay.
a. Sa magandang pag-trato ni Jesus sa Samaritana, winasak ni Jesus ang diskriminasyon na ginagawa ng mga Judio sa mga Samaritano. Mababa ang pagtingin ng mga Judio noon sa mga taga-Samaria dahil nang sinakop ng mga banyaga ang Samaria ng limang beses, nakipag-asawahan sila sa mga banyaga. Sa tingin ng mga fundamentalistang Judio, nadumihan ang ugat ng mga Judiong taga-Samaria ng dugong banyaga kaya sila ay dapat lang ituring na mas-mababang uri na mga Judio. Pero si Jesus ay hindi naging matapobre sa Samaritana.
b. Kahit ang Samaritana ay may maruming nakalipas dahil nakisama sa limang lalaki, binale-wala ni Jesus ang kultura na nagbabawal sa kanya na makipag-usap sa isang makasalanan. Bistado ni Jesus na ang Samaritana ay makasalanan dahil sa halip na ito ay umigib sa umaga o hapon kasama ng ibang mga kababaihan, umiigib ito sa tanghaling-tapat kung kailan walang taong mangungutya sa kanya. Pero kahit ang Samaritana ay nagsisinungaling at dinidebate pa siya ipinadama ni Jesus sa kanya na merong tunay na pagka-uhaw na hindi mapapatid ng tubig sa balon at ng aliw mula sa tawag ng laman lamang.
c. Sa halip na gayahin ni Jesus ang kulturang Judio na ang mga Rabbi o mga guro ay di dapat makipag-usap sa publiko sa mga kababaihan, lalo na sa makasalanang Samaritanang ito, nabasa ni Jesus na ang pagkauhaw ng Samaritana ay hindi sa doktrina kundi sa pag-asa na ang Diyos ay ganon na lamang ang pagmamalasakit sa kanya kahit isa siyang nawalang tupa.

Angkop na angkop ang ebanghelyong ito mula kay San Juan 4: 5-42 ngayong Kwaresma at ngayong nasa gitna ng krisis ang ating bansa. Ang pakiramdam marahil ng iba sa inyo ay parang yung mga Judio na matapos makatawid sa Dagat na Pula at nang nauhaw sa disyerto ay sinisisi si Moises. Kanilang pinagtatalunan kung pinapatnubayan sila ng Diyos. Pinapaalalahanan tayong lahat na ang tunay na pagka-uhaw ng ating bansa ay mapapatid ng tubig na di nakakauhaw, ang “honesty power”. Oo, “honesty” na mula sa mga pinaka-aba ang katayuan sa lipunan hanggang sa mga pinagkatiwalaang lingkod-bayan. Kaugnay nito, bago umalis ang Kgg. na Arsobispo patungo sa Roma, nag-iwan siya ng mensaheng ito na pahintulutan ninyong aking babasahin:

Sa mga Pari, mga Relihiyoso at mga Mananampalataya ng Arsidiyosesis ng Lipa:
Mga pinakamamahal kay Kristo,

Lubos naming ikinababahala ang katayuan at direksyong tinutungo ng ating Bansa bunga ng mga alegasyon ng katiwalian diumano sa ilang proyekto ng pamahalaan. Kasama ng iba pang mga Simbahang Lokal sa Pilipinas, kami rin ay nananawagan na pagtibayin natin ang pagsampalataya sa Panginoon, ganon din sa kapangyarihan ng panalangin upang maghari ang biyaya ng “daan ng katotohanan”.
Naniniwala kami na kayo rin ay kombinsido na hindi sapat na tayo ay maging tagapanood lamang o magpadala sa kawalang-pag-asa. Kaya nga, kasama ng pagliligtas sa ating kaluluwa, gawin nating daan ang Panahon ng Kwaresma upang mapag-ukulan ng pansin ang pagliligtas rin sa “kaluluwa ng ating bayan”. Magtulungan tayong mapagdasalan at mapagnilayan ng lahat ng sektor (Obispo, estudyante, businessmen, accademes, taga-probinsya at Maynila) ang nararapat na communal action para sa katotohanan, kapayapaan at pag-unlad. Kasama ng communal action sa pananalangin, isang mas konkretong pagkilos kung ang una nating gagawin ay ang pagbunot ng ugat ng ating kasalanang personal. Ganon din, ang pagtatakwil sa kasalanan ng sistema na sa ating Bansa ay malimit sumuloy at matinding mag-ugat sa paglilingkod sa sari-sariling “pamilya” lamang.

Sama-sama tayong manalangin para sa liwanag ng Espiritu Santo at sa pagkalinga ng Mahal na Birheng Maria at San Jose . Inaasahan ko na sa pamamagitan din ng pagsunod sa panalanging isinasahimpapawid sa ating Archdiocesan Radio – 99.1, Spirit FM, tuwing ika-walo ng gabi, hindi lang sa panahong ito ng krisis, makakatulong tayo na makakamtan ng ating Bayan ang pagpapala na laan para sa mga anak ng Diyos.

Mga kapatid, bukas ay Anibersaryo ng People Power. Hindi po ako nawawalang-pag-asa kahit matapos ang 20 taon ay para bang nagkikikisay pa rin ang ating bayang api sa kumunoy. Kung tutuusin, ang problema natin siguro ay hindi yaong hindi tayo takot magbuwis ng ating buhay para sa demokrasya … kundi yaong ayaw nating pangalagaan ang demokrasya. Kayang-kaya ng iba na tawirin ang mga bundok at harapin ang lahat ng uri ng panganib para tapusin ang mapang-aping sistema, pero nawawala ang tyaga na siguraduhing hindi sumuloy ang kasalanan sa sistema araw-araw. Marahil ang maraming aktibista noon ay bumitaw at sumawsaw sa anlalawa ng pakaunti-konting “pakikisama” sa mga sinasabing mga katiwaliang “legal” na ngayon ay naging kable na na gumagapos sa kanilang kaluluwa at nagbilanggo sa kaluluwa ng bayan. Pero kagaya ng naranasan ng Samaritana, hindi pa huli ang lahat. Magandang ipaala-ala po sa inyong nagpapakabuti na nakikinig ngayon na dinaraanan ng panghihina, tandaan ninyo na hindi magagawa ng buwan (o ng mga taong tulad nyo na nagpapakatatag) ang kanyang mabuting trabaho na magbigay liwanag sa dilim ng gabi kung lagi nitong papansinin ang lahat na aso na tumatahol o nanunumbat sa kanya. Katulad ni Jesus, maging ministro tayo ng pag-asa sa isa’t isa.

0 comments: