“Ang butihing Pinoy ay ngiti ng Diyos sa lupa.”

IgCo 100% Natural Colostrum Skim Milk

IgCo 100% Natural Colostrum Skim Milk
Experience the health benefits! Now available in the Philippines

May 2009

Pahiram na Kaligayahan. Salamat kay Kuya Manny Pacquiao. Pinahiram niya ang mga Pinoy ng kahit ilang sandali ng kaligayahan dahil sa kanyang pagwawagi laban kay Ricky Hatton noong Linggo, ika-3 ng Mayo 2009. Ipinatikim niya muli ang saya, kagaya ng sa Edsa 1 noong 1986. Saya na dulot ng pagkakaisa. Dahil sa pambansang kamao merong mga MNLF noong ika-3 ng Mayo na nakipanood sa "pay per view" sa loob ng kubol ng mga Marines. Walang naganap na krimen sa mga oras na yaon sa buong kapuluan. Naging isa itong injection ng pag-asa at self-esteem sa pagiging Pinoy. Sa tingin ko, ang ipinagbunyi ng mga Pinoy ay hindi lang ang pagkapanalo ni Kuya Manny kundi ang kanyang pagiging maginoo, maka-Diyos at mababang-loob sa kabila ng kanyang pagiging kampeon. Syanga naman.

An Inconvenient Truth. Sinabi ni Al Gore: Ilagay mo ang palaka sa isang palayok ng kumukulong tubig at maglululundag ito nang katakut-takot para makatakas. Ilagay mo naman ang pareho ding palaka sa isang pitsel ng tubig. Dahan-dahan mo itong pakuluan. Mananatiling "sitting pretty" ang palaka hanggang sa ito ay maging exquisite na frog's legs. Dahil dito, sinabi ng isang kolumnista ng Philippine Daily Inquirer: "Kung paano unti-unting nawawasak ang kapaligiran sa ating planeta, ganito rin ang nangyayaring pagwasak sa ating bansa sa pamamagitan ng politika. Subukan mong ideklara ng Pangulo ang Martial Law at napakaraming Pinoy ang maglululundag nang katakut-takot sa galit! Pero walang Pinoy na magpoprotesta kung ang magiging style ng pagsira ng bansa ay sa pamamagitan ng pagpapatalsik ng mga elementong mabuti at pag-upa sa serbisyo ng mga bugok na itlog na magpapaganap ng disenyong inakda ng "panginoon ng kadiliman". Parurusahan niya ang mga desenteng tao sa isang banda at papabuyaan naman niya ang mga bulok sa kabilang banda. Hindi natin mapapansin na tayo pala ay isa nang frog's legs". Dahil rin dito, hindi kataka-taka na makapagbiro ang marami at sabihing ang isa pang kahulugan ng PMA ay "Philippine Malacañang Academy". "Very inconvenient truth to hear." Syanga naman.

Guilty for not using common sense. Maraming nakikiusap kay Kuya Pacman (Manny Pacquiao) na huwag nang pasukin ang politika. Pakiusap ito na may halong matibay na malasakit. Hindi nila maatim na ang "bayaning" kanilang ipinagbubunyi ngayon ay kanilang isusumpa bukas. Pakiusap ito na nagbababala sa kanya. Hindi nila maatim at malubos maisip na balang araw, kung hindi siya magiging maingat sa mga jabs, left hook, right hook at uppercut ng mga bad eggs sa politika, pwede siyang maakusahan ng "guilty by association" o ng "guilty for not using common sense". Syanga naman.

Bravo, Mary Ann Glendon! Isa siyang katolikang Professor sa Harvard. Mas naging tanyag ang pangalan niya nang pamunuan niya ang delegasyon ng Holy See sa 1995 World Conference on Women sa Beijing - tungkol sa pagtatanggol sa dignidad at karapatan ng mga kababaihan. Napaka-makasaysayan ang conference na ito dahil dito, sa pamumuno ng Holy See, nahadlangan ang maitim na balak ng maraming bansa, international agencies, mga organisasyon at pharmaceutical companies na isama sa "reproductive health" ang abortion. At hanggang ngayon ay hindi pa nababago ang pagkaunawang ito. Nang lumaon, noong 2004, si Mary Ann Glendon, kahit hindi isang Obispo, ay ginawa ng Vatican na maging Presidente ng Pontifical Academy of Sciences. Sinabi ni Glendon, "Kalungkot-lungkot na ilang beses nang nangyari na ginamit lang ang relihiyon sa mundo ng politika". Idinugtong pa niya, "Kaya naman, ang dahilan kung bakit hindi magkasundo ang iba't-ibang relihiyon ay sapagkat ang diyalogo ay nilalahukan ng mga tao na ang buhay ay hindi naman talaga naka-ugat sa kanilang pananampalataya." Kinailangang bitiwan ni Gng. Glendon ang posisyong ito noong 29 Pebrero 2008 pagkalipas ng ilang taon dahil tinawag naman siya ni Pangulong Bush na maging Ambassador ng Estados Unidos para sa Holy See.

Ang problema ay ito: Kamakailan, inimbitahan si Presidente Obama ng sikat na pamantasang Notre Dame, sa ilalim ng pangangalaga ng Holy Cross Fathers, para magsalita sa kanilang Commencement Exercises sa ika-17 ng Mayo 2009. Ang tradisyonal na pinapapagsalita rito ay yaong mga personalidad na nagpakita ng gilas at giting bilang mga katoliko. Higit pa rito, kasali sa programa na bigyan si Obama ng honorary degree ng Notre Dame. Naging controversial ito dahil simula nang umupo si Presidente Obama ay marami na siyang mga inaprubahang bills na laban sa buhay ng tao gaya ng abortion at embryonic stem cell research. Sa katunayan, 46 na Obispo ng Tate ang nagprotesta laban sa pag-aanyayang ito ni Fr. Jenkins, pangulo ng pamantasan, kay Pres. Obama.

Kaso, inimbitahan rin si Mary Ann Glendon na tumanggap ng "Laetare Medal" sa nasabing commencement exercises. Ito ang pinakamataas na award para sa isang katoliko na ibinibigay ng pamantasan simula pa nang 1883. Ang nakaukit sa medalya ay ito: "Truth is mighty, and it shall prevail". Bilang katugunan, tinanggihan ni Mary Ann Glendon ang nasabing medalya. Subukan ninyong tunghayan sa "Zenit" o sa "Google" ang sulat ni Ms. Glendon kay Fr. Jenkins. Masasabi ninyong, "Bravo! Bravo! Bagay na bagay sa iyo ang pangalang 'Mary Ann'! Buwan pa naman ng Mayo, buwan ni Maria, nang mangyari itong pagsaksi mo sa katotohanan." Syanga naman.

Pagdalaw ni Pope Benedict sa Holy Land . Ito ay mula ika-8 hanggang sa ika-15 ng buwang ito ng Mayo. Sa loob ng walong araw dadaan siya sa Jordan, Bethlehem , Jerusalem at Palestinian Territories para bisitahin lalo't higit ang mga Kristiyano doon na dahil sa krisis ng kapayapaan at dialogo ay unti-unti nang nagsisilikas (exodus). Wika nga ng yumaong Papa Paulo VI, "Kung mauubos ang mga Kristyano roon, manganganib na ang lahat ng ito ay magmimistulang isa na lang museum." Inaasahan din na bibigyan ng pansin ng Papa ang memorya ng holocaust (organisadong pagpaslang sa mga Hudiyo). Ipapaala-ala rin ng Papa na ang solusyon sa suliranin sa lupa, tubig at sa mga lugal na banal ay hindi sa pamamagitan ng dahas at terorismo kundi sa daan ng diyalogo, kapayapaan, pag-asa at pagtitiwala sa isa't-isa. Napakahalaga ng mga solusyong ito dahil sa mga taong nagkakaunawaan at nagmamalasakit sa isa't-isa, di mangyayari na ang interview sa Papa ay lagi na lang taken out of context. Syanga naman.


0 comments: