“Ang butihing Pinoy ay ngiti ng Diyos sa lupa.”

IgCo 100% Natural Colostrum Skim Milk

IgCo 100% Natural Colostrum Skim Milk
Experience the health benefits! Now available in the Philippines

Marso 2010

Below 75 ang grade. Mapapakinig na naman sa ere ng “bayang sinilangan” ang nostalgic graduation march ngayong Marso at Hunyo. May mga pararangalan muling mga valedictorian, salutatorian at honorable mention. Sa kabilang banda, meron namang mga mag-aaral na sa puso ng mga kaiskwela nila ay mga valedictorian sa pakikisama, kasipagan at kabaitan. Kaso, pag-uwi naman sa bahay ay hindi man lang makapasang-awa sa sipag, pagbabait at pakikitungo sa mga magulang, kapatid at katulong. Daig pa ang mabangis na tigrrrrrrrrrre, leon o dambuhala kapag nasa bahay. Hindi maasahan sa anumang gawaing-bahay o anumang responsableng pagkukusa dahil laging busy sa pagpapahinga. Kapag dumadabo at sinusumpong ay parang bulkan. Pero napakabuti ng Diyos. Nagpapadala siya lagi ng sugo upang ang mga kabataang ito ay magbagong-loob. Meron kasing iba na parang leon na nangangailangan lang ng isang Propeta na makakabunot ng tinik sa kanilang talampakan (paw). Syanga naman.

“Dear John”. Ang sineng ito ang tumalo sa “Avatar” matapos ng pitong weekend na pagiging hari ng takilya sa Estados Unidos. Ang ibig sabihin pala ng “Dear John” ay “isang sulat ng isang babae sa kanyang boyfriend na nagsasabing meron na siyang iba. Dinadaan ito ng babae sa sulat dahil natatakot o nangangambang sabihin niya ito sa boyfriend nang personal o kahit sa telepono man lamang.” Kapag baliktad naman ang pangyayari, kung ang lalaki ang nagkameron na ng iba, ang tawag sa sulat na ito ay “Dear Jane”.

Hindi ako nakatulog sa sineng ito. Atubili akong manood nang una dahil inakala kong pulos bakbakan na naman ito at sobra ang kasinungalingan tungkol sa Iraq . Pero puno pala ito ng aral tungkol sa pagmamahal sa bansa, pagiging maginoo, pagbabago, katapatan sa pag-ibig para sa magulang at para sa magsing-irog. Kung panonoorin ninyo ito, isa itong psychological injection, isang inspirasyon, upang maiayos ang buhay na kalat at pag-ibig na walang direksyon, ang buhay na “okey lang” at ang buhay na “wala lang”. Syanga naman.

Daigdig ng “ sana ”. Sa ating pag-iisa, sa ating pagninilay o pagdarasal ngayong Kuwaresma ay mayroong mga bagay na mahirap lulunin. Ito ay ang mga dahong nalagas sa ating kahapon na sa bandang huli ay bahagi ng ating purification. “Sana ay doctor na ako”; “ Sana ay si ganito ang asawa ko”; “ Sana ay milyonaryo na ako … sana … sana…”. Kung hindi maganda ang mangarap nang gising, hindi rin makakatulong ang magpakalunod o magpakabaon sa kahapon. Ang mangarap nang gising ay karaniwang tukso sa mga kabataan. Ang magpakabaon sa kahapon ay tukso sa mga mahaba na ang nakalipas. Syanga naman.

“Kahapon Lamang.” Ang masakit sa sugat ng kahapon ay hindi ang kabiguang bunga ng pagkakamali. Ang nagpapahapdi sa sugat na ito ay ang pabalik-balik na ala-ala na kung kailan malapit ka na sa finish line ay saka ka pa nadapa. Kung kailan maaabot mo na ang matamis na ubas ay saka ka pa nalaglag. Ang masakit ay hindi yaong sugat na sa bandang huli ay gumagaling din naman. Ang masakit ay ang naiwang peklat nito na hindi mapawi-pawi. Hindi lang pala ang kasalanan ng iba ang dapat mong patawarin. Pati sarili mo ay dapat mong patawarin upang mapawi ang hapdi ng sugat ng kahapong ito. Ito ang estado na hindi ka na alipin at bilanggo ng nakalipas. Lingkod ka na ng Panginoon, ng dakilang Manggagamot ng ating memorya at ng ating kasalukuyan. Siya ang Panginoon ang mapapagkatiwalaang arkitekto ng ating hinaharap. Syanga naman.

“May Bukas Pa. Ang doktor ng medesina ay nakakapagpagaling kahit hindi niya danasin ang karamdaman. Ang “doktor ng buhay” ay nakakapagpagaling sa pamamagitan ng kanyang pinagdaanan. Ang diploma niya ay “lessons learned” at “best experiences”. Ito ang isa sa mga hamon ng centennial anniversary ng Arsidiyosesis ng Lipa. Syanga naman.

“Sour grapes!” Ito ang pakonsolasyon sa sarili ng isang bigo kapag nakakakita ng “mabungang puno ng ubas” ng kapitbahay. Dahil hindi kanya ang ubas, ipinagtatanggol ang sarili at sinasabi: “Di na baleng hidni magkameron ng ganyang ubas; maasim naman iyan, eh!” Pero sa totoo lang alam niya na matamis talaga ang mga ito. Ang “sour grapes” ay karaniwang expression ng mga Amerikano. Sa mga Italyano, kung hindi nila nakamtan ang kanilang inasam, “pinapapangyari” nila ito at least sa isipan sa pagiging isang “makata” o “philosopher”. Syanga naman.

Servant Leader. Ito ang pangarap ng Simbahan ngayong eleksyon: na ang lumabas ay ang tunay na servant leader. Dahil dito, hindi lang ilang congressmen at senador ang nagpapakababa at ngayon ay umuwi sa kanilang probinsya para doon ay makapaglingkod bilang mayor. At dahil sila nga ay makabayan, ang kanila naming mga anak at apo ang siyang pinatatakbo bilang congressmen at senador. Kay dakila. Ha ha ha ha ha. Nakakahabag na ang bansa sa daming nagnanais na maging servant leader. Mabuti na lang, hindi “servant leader” ang ginagamit ng Papa bilang paglalarawan ng kanyang paglilingkod. Ang isa sa mga tawag niya sa kanyang sarili ay “Servant of the Servants of God”. Syanga naman.

Gayahin ang dapat tularan. Napakahusay ng Pinoy na gumaya sa mga anak ni Uncle Sam tungkol sa maraming bagay: Ang purselas sa paa; sinsing sa ilong; hikaw sa pusod; buhok na parang palong ng tandang; aspili sa dila; awit na tula; big brother na malimit hubad at seksi, etc. Pero ang hindi matulad-tularan ng mga Pinoy ay ang mga Partido na may kanya-kanyang distinct na linya o ideolohiya kagaya ng pagkakaiba ng Republican at Democrat.

Sa lupa nating sinilangan, halos lahat na partido ay parang ala-“fruit salad”. Merong sumasapi sa partido kung saan pwede sila mananalo. Kaya naman naguguluhan ang mga tao. Tinatamad nang mag-isip. Ang iba ay umaasa na lang sa endorsement ng mga artista. Ganon din, sa kung sino ang makakapagbigay ng bola at uniporme sa liga ng basketbol, bigas at ng semento at bakal. Kung meron lang mga “ninong sa patay”, siguro pati mga kandidato ay mahihila na maging sponsor para sa mga yumao. Sorry po. Biro lang po. Syanga naman.

1 comments:

Anonymous said...

Palong ng tandang hahahaha ����������