“Ang butihing Pinoy ay ngiti ng Diyos sa lupa.”

IgCo 100% Natural Colostrum Skim Milk

IgCo 100% Natural Colostrum Skim Milk
Experience the health benefits! Now available in the Philippines

Nobyembre 2009

Separation between Church and State. Sampalataya ako sa prinsipyong ito. Pero hindi ito dapat ma-interpret strictly ayon sa pagka-unawa ng French Revolution o ng pluralismo ng American society. Dapat bigyan ng leeway ang Simbahan ng Pilipinas na pangaralan ang kanyang Catholic constituents. Kaso, napapansin ko sa Pilipinas, ang kalimitang kumakalaban sa Simbahan habang nag-iinvoke ng prinsipyong ito ay ang supporters ng mga politikong corrupt na ayaw mapakialaman ang kanilang mga patron na nangingitlog ng golden eggs. Kakaiba dapat ang aplikasyon ng “separation between Church and State” dito sa Pilipinas dahil higit sa 80 per cent ng mga Pinoy ay Katoliko. Hindi katulad sa Tate na maraming relihiyon at affiliations ang mamamarginalized kapag nagsalita o nagdesisyon ang Simbahan. Dapat ring tandaan, kung gumagabay ang Simbahan sa kanyang mga anak sa panahon ng halalan, kailanman hindi ito laban sa ibang relihiyon kundi laban sa katiwalian ng mga Cesar na nakaupo o nagbabalak umupo na dapat pagsabihan sa labas ng pulpito. Syanga naman.

“Hindi kaya.” Nang bago ko pang naririnig ang expression na “hindi kaya”, hindi ko kaagad ito ma-gets. Kalimitan ay naririnig ko ito sa mga teen-ager habang kausap ang kaharap nang may kaunting paglalambing. Nang lumaon, naintindihan ko rin sa wakas. Ang katumbas pala ng “hindi kaya” sa Batangas ay “Hind naman, eh!” Sa mga mas-Batanguenyo, ang katumbas nito ay ang padag-is na pagsasabi ng, “Hindi naman, ih!” Bagama’t mali sa grammar, mas-maganda nga namang pakinggan ang “hindi kaya” dahil ang “Hindi naman, eh/ih” ay kulang sa lambing. Kailangan nga naman nating mga Batanguenyo ang malalambing na expressions gaya ng “hindi kaya” para hindi naman tayo ma-misinterpret lagi na nag-aaway kahit nagkukwentuhan lang naman. Pero kwidaw, mga kelots, bagay ang expression na ito sa mga chicks lang. Siyanga kaya.

In My Life. Sinabi ni Ate Vi sa isang eksena ng huli niyang film nitong 2009 na pinamagatang, “In My Life”: “Walang time out sa pagiging ina… minsan ikaw na ang center, ikaw pa rin ang guard at ang forward”. Di mo pwedeng sabihin na time out o ayoko na.” Ngayong malapit na ang halalan, marami muli ang mangangako. Marami ang hahalik muli sa mga gusgusing mga sanggol sa harap ng camera. Pero marami din sa kanilang mga genuine ang puso. Alam ko, hindi biro ang maglingkod sa bayan. Halos wala ring time out. Itaguyod natin ang mga good eggs na handang sabukayin ang daigdig ng paglilingkod-bayan. Meron kasing matatamis ang dila kapag nangangampanya pero mas-mabilis pa kaysa mga mananakbo ng Kenya kapag umiiwas sa pananagutan nila kapag nananagana na sa kapangyarihan at sa panggagatas sa bayang api. Syanga naman.

Naglaho na ang malagkit, suman, kalamay-hati, tamales at sumang-gapa. Ito ang napansin ko nang nakaraang Todos los Santos. Kaugalian na raw na ito ang hain sa hapag kainan kapag Undas para magkapit-kapit o maging “united” ang mga kaluluwa na bumubuo ng Katawang Mistiko ni Kristo na nasa langit, purgatoryo at dito sa lupa. At least, kahit ang mesa ng mga kabataan natin ngayon ay galing sa mga McDo, Jollibee, Kenny Rogers, Pizza Hut at nabawasan na ang kanilang pagka-giliw sa mga native na suman, malagkit, etc, nang pumasyal naman ako nang a la una ng madaling araw noong 2 November sa Lipa City Floral Garden, nakita ko na hindi naglalaho ang kanilang pagmamahal sa kanilang mga ka-pamilya at kaibigan. Hindi lang hanggang kamatayan. May nakita akong isang matandang lalaki na bagama’t giniginaw ay nakabaluktot na natutulog sa ibabaw ng puntod at sinasamahan ang kanyang yumaong irog na inihatid niya noon sa altar. Sample lamang iyan sa aking mga nasaksihan. Bilang pagpapakita ng solidarity, ipinagbawal ng PNP sa kaMaynilaan ang pagdadala ng mga maiingay na tape recorders, alak at gamit sa sugal sa mga sementeryo. Ipinatanggal din ang mga sinturon na may malalaking buckles na karaniwang armas kapag may rumble. Lahat ng ito ay upang ipakita ang paggalang sa mga kaluluwa. Di ba isa itong magandang development? Syanga naman.

Nakakapagpatawad ang Diyos at ang tao, pero hindi ang kalikasan. Napakaraming nag-“syanga naman” tungkol sa obligasyon na pangangalagaan ang kalikasan nang dumaan ang bagyong si Ondoy, kasama ang mga pinsan niyang sina Pepeng, Ramil at Santi. Tama nga si Al Gore. Di bokabularyo ng mga bundok, dagat at mga ilog ang “Forgive and Forget”. Kaso, ang mga napapa-“syanga naman” at natututo ng leksyon ay parang yaon lang mga biktima hindi ang mga mastermind at nakinabang sa illegal logging, unwarranted mining, waste disposal, structural development, etc. Ang mga naliwanagan ay parang hindi ang mga politikong nakinabang sa boto ng ini-spoil o misguided na informal settlers. Syanga naman.

Bukod-tangi ang mga pastol. Kahit sa kwentuhan sa mga umpukan, ipinapakita ng mga pastol na sila ay kakaiba. Halimbawa, ang topic ng syetehan ng mga mandaragat ay tungkol sa kung papaano nila ginapi ang mga bagyo at malalaking alon sa karagatan. Ang laman naman ng kwentuhan ng mga magsasaka ay tungkol sa kanilang mga ani at tinubo; ang tungkol sa kanilang baka, kalabaw at tubigan. Ang sundalo naman ay nagkukwento tungkol sa mga sugat niyang natamo sa mga digmaan. Pero kakaiba ang pastol. Ang laman ng kanyang isipan at bukambibig ay ang kanyang mga tupa. Kaya nga di nakakapagtaka, bilang mga pastol, kung ang kwentuhan ng mga magulang sa kanilang kumare at kumpare ay ito: “Itong aking si John …” Sagot naman ng kausap: “Itong aking si Jajah. Itong aking si Cocoy at si James, … ”. Sabi naman ng mga guro: “Itong aking mga iskwela…” Syanga naman.

Saanman o kahit kailan, mayroong krus. Ang krus na ito ay ang ating mga kapansanan o kakulangan. Kung minsan naman ang krus natin ay ang atin mismong talento, korona o good qualities na kinaiinggitan pala ng ibang tao. May papel ang mga krus na ito sa ating paglago. Ito ang good cholesterol ng ating buhay na nagtuturo sa ating tanggapin na si Jesus ang ating Pastol, ang Dakilang Manggagamot. Matuto naman kayong magtiwala at magpapastol sa kanya. Syanga naman.

Mula konsumisyon patungong konsolasyon. Merong batas na napaka-demanding. Ito ay ang batas ng pag-ibig. Sobrang demanding ito na sukdulang walang makakaligtas sa “konsumisyong” dulot nito. It allows of no exceptions. Ang maganda nito, sa pagtupad ng batas ng pag-ibig, parehong ang nagbibigay at ang binibigyan ang nakikinabang o pinagkakalooban ng konsolasyon sa bandang huli. Syanga naman.

0 comments: