“Ang butihing Pinoy ay ngiti ng Diyos sa lupa.”

IgCo 100% Natural Colostrum Skim Milk

IgCo 100% Natural Colostrum Skim Milk
Experience the health benefits! Now available in the Philippines

Agosto 2009

Ang mga mahalagang “Bakit” at “Sapagkat”

a. Bakit kaya ang mga banal, katulad ni Propeta Elias, ay laging naghihirap? Sapagkat sila ay tunay na regalo ng Diyos sa bayan. Ang kapalaran ng regalo ng Diyos ay ang mag-alay ng sarili, ang maging tinapay din na nagbibigay ng buhay.

b. Bakit mas-madali yatang mamatay ang mga banal? Dahil ba, katulad nina Santa Teresita at Dominic Savio, ay natupad kaagad nila ang kanilang misyon dito sa lupa? Para ba huwag nang mahulog pa ang banal sa kasalanan? Mas-mahaba ba ang buhay ng mga bad eggs para mabigyan sila ng pagkakataon na makapagsisi? O kaya, dahil ba ang mga mabuti ay masyadong good at walang dibdib na pitikin ang ilong o ang tenga ng mga bad eggs? Hahahahaha.

Sa puntong ito, dahil hindi ako Diyos, at wala akong ambisyon na maging Diyos dahil masakit sa ulo ang mag-manage ng mga pasaway, heto ang aking sagot: Pare-pareho lang namang namamatay ang mabuti at makasalanan. Nagkakataon lang na parang mas-mahaba ang buhay ng mga bad eggs dahil marami sa kanila ay mapera at kinaiinipan na ng mga yamot sa kanila. Hahahaha. Siguro din, mas-mahaba ang buhay ng mga bad eggs para dito pa man sa lupa ay mapagdusahan na nila ang impyerno. Hindi naman porke mayaman sila ay masaya talaga sila o mahimbing ang tulog, di ba? Pero ang obserbasyon ko, kung nananatiling tapat sa Diyos ang mga naulila ng mga mabuti, laging may mabuting sumusuloy at blessing sa mga trahedya ng kanilang buhay. “And we know that all things work together for good to those who love God, to those who are the called according to His purpose.” Rom. 8:28

Crash Course tungkol sa Edsa. Tama ang sinabi ni Manuel L. Quezon III: Ang limang araw na burol sa yumaong Presidente Cory Aquino ay naging isang teaching aid o crash course para sa mga kabataan. Sa pamamagitan ng pagsaksi ng mga kaibigan ng pamilyang Aquino, bukod sa mga sinabi ni Kris, napagbalik-aralan ng mga kabataan ang pagbubuwis ng buhay ni Ninoy noong 1983, ang People Power noong 1986, ang ibig sabihin ng “pamilyang nagdadamayan”, ang “pagiging ina na walang-sawang magtiwala sa kabutihan ng anak”, ang “katangian ng tunay na lider” kagaya ng katatagan, tapang, character, integridad at katapatan (honesty). Dahil lumaki ang mga kabataan ngayon na ang kinagisnan ay ang daing ng mga Pinoy dahil sa namamagang “pigsa ng corruption”, ngayon naman ay naranasan na nila kung papaano awitin ang “Bayan Ko” hindi lang commemoratively kundi defiantly laban sa individualismo at laban sa kawalang-pag-asa o cynicism. Naranasan nila sa prusisyon patungong puntod ni “Tita Cory” ang espiritu ng Edsa at ang “Cory magic”. Matapos ang mahabang paglalakbay nina Ninoy at Cory, sumuloy muli ang reverence of the ideals at ang paniniwala sa Pilipino. Inilibing na ang boses ng mga kabataan sa lipunan, si Tita Cory, pero isinilang muli ang espiritu niya sa mga kabataan na maging “regalo” sila mismo ng Diyos para sa mga kababayan. Ipinatikim rin sa atin kung ano ang pwede nating kahinatnan kung tayo’y muling magkakaisa at hindi titigil sa pangangarap para sa Inang Bayan. Syanga naman.

Hindi nila na-gets ang pagpaparami ng tinapay. Paipis-ipis na tumalilis si Jesus papunta sa isang burol nang maramdaman niyang papalapit ang mga tao sa kanya upang gawin siyang kanilang hari. Nalungkot siya dahil hindi naunawaan ng mga Hudiyo ang mensahe ng pagpaparami niya ng tinapay. Inakala kasi nilang ang pagbabago ng Israel ay sa pamamagitan ng pagtatanghal na hari kay Jesus na taga-gawa ng mga milagro. Hindi nila naunawaan na ang pagbabago ng daigdig ay magaganap kung ang milagro ng pagpaparami ng tinapay, kahit ang milagro ng Edsa o ang Cory magic, ay tatambalan ng “paghuhugas ng paa” o paglilingkod sa kapwa. Syanga naman.

“Victory has many fathers. Defeat, always an orphan.” Dahil sa kasabihang ito, nangyari na bukod sa mga taos-pusong nakiramay sa pamilya ng Aquino, marami ding masasabi na naki-“kamag-anak” muli o sumakay sa kasikatan ng yumaong Pangulo. Pare-pareho silang “nagdasal” na maganap muli ang isang milagro kagaya ng sa Edsa. Hindi masamang ulitin muli dito na “walang birtud ang milagro patungo sa pagbabago ng sambahayan ni Juan de la Cruz kung hindi tatambalan ng mga lider ang milagro ng Edsa ng paghuhugas ng mga paa ng kanilang pinaglilingkuran. Hindi sila ibinoto ng taumbayan para magkamali, manggipit o magkasala.” Syanga naman.

Ang milagro ng santo at ng maruming politiko. Napapag-usapan din lamang ang milagro, alam ba ninyo na hindi lamang mga santo ang nakakagawa ng milagro? Pero, kung para sa mga banal, kailangang patunayang gumawa sila ng milagro para maging santo, kabaliktaran naman sa mga unwanted o notorious na politiko. Patay ka oras na magpilit kang mapatunayan ang mga ginawa nilang milagro. Mahirap pating makita ang kanilang milagro sa liwanag dahil tinatakpan nila ito ng belo ng executive privilege. Hahahahaha. Syanga naman.

Ang Diyos na di maabot. Sabi ng kumpare ko, “Napakahirap ipaliwanag ang katahimikan ng Diyos sa malulungkot na bahagi ng ating buhay. Mabuti pa ang aso. Laging tapat ang aso sa iyo. Ipagtatanggol ka pa. Pero ang Diyos, tahimik. Parang may kinikilingan. Tsk-tsk-tsk.” Sabi ko kay Pare ko: “Pare, kailangan munang maunawaan ang Diyos para matutunan mo siyang mahalin.” Sana balang araw, masabi nya sa akin sa muli naming pagkikita: “Syanga naman”.

Tips tungkol sa Panalangin. Kapag nananalangin, kailangan natin ang katahimikan hindi para lang magtanong sa Diyos kundi para makasama natin ang Diyos. Ang panalangin ay hindi laging paghingi. Isa itong pag-aasam ng aking kaluluwa. Isa itong pang-araw-araw na pag-amin ng aking mga kasalanan at paghingi din ng tawad sa mga mabubuting gawa na hindi ko naisakatuparan. Ang kasagutan sa aking dasal ay hindi ang kung ako ay yumaman o gumaling sa karamdaman. Bonus lang ang mga ito. Ang inaasahang bunga ng aking dasal ay yaong pagbabagong-anyo ng aking puso. Syanga naman.

Tungkol sa tukso at kasalanan. Ang kasalanan ay mas malma pa sa pagkakamali ng kombinasyon ng barong at maong bagama’t ngayon ay tanggap na sa Tate ang kombinasyon ng suit at ng rubber shoes. Ang kasalanan ay laging nababalot ng kagandahan. Nagsisimula ito minsan sa pakikisama o pagbabayad ng utang na loob. Sa bandang una, para lang itong anlalawa o sapot na bumabalot sa akin. Sa bandang huli ay di na ako makapiglas dahil ang gumagapos sa akin ay kasing-laki na ng kable. Di na ako makapiglas dahil andoon na ako sa “point of no return”. Ang kasalanan ay laging kaakit-akit sa simula. Subalit nakakapanghilakbot ang kapangitan ng resulta nito matapos na ako’y mahulog na sa bitag ng kasalanan. Ang kasalanan ay maraming pangako. Sasabihin ng dyablo na walang masamang mangyayari sa akin, hindi raw ito mag-iiwan ng peklat oras na ako ay masugatan. Ipapangako ng dyablo na sa kasukdulan, magiging makapangyarihan din ako gaya ng Diyos. Ang kasalanan ay maraming kaibigan. Subalit oras na ako ay mapahamak na, ang sinasabi kong mga kaibigan ay siya mismong sa akin ay mang-iiwan, hahalakhak at maninira. Ang kasalanan, na walang iba kundi ang pagtanggi sa pag-ibig ng Diyos, ay laging may kakambal na kaparusahan, gaya ng sakit sa atay kung ang kinakape ko sa umaga ay quattro cantos o lapad. Ang kasalanan ay hindi lang isang pag-alipusta o pagsira sa batas kundi isang pagsira sa akin mismong kalikasan na kalarawan ng Diyos. Mas madali ang lumayo sa tukso kaysa umahon sa kumunoy ng pagkakasala. Kung may nakita akong parang buntot ng ahas sa bunganga ng isang lungga, hindi ko na kailangan pang hilahin ito para siguraduhin kung ito nga ay ahas na makamandag. Syanga naman.

0 comments: