Binuhay Muli ni Jesus si Lazaro
(Juan 11:1-45)
Msgr. Ruben Dimaculangan
Bakit kaya ngayong ika-5 Linggo ng Kwaresma ay ito ang Ebanghelyo? Kahit po sinabi ni Jesus na Siya ang buhay at muling pagkabuhay sa salaysay ngayon, ang tunay na layunin ay ito: upang bigyan tayo ng pag-asa. Sino? Tayong mga nalilibing sa dilim ng kabiguan, karamdaman, pagbagsak sa kasalanan at iba pang uri ng karukhaan at kamatayan. Sa karanasan ng Simbahan, sa mga ganitong yugto nararanasan natin ang muling pagkabuhay dahil pinalalabas tayo ng Diyos mula sa yungib ng iba’t-ibang uri ng kamatayan sa pamamagitan ng Panginoong Jesukristo.
Para po mas malinaw ang mensahe ng Diyos himayin po natin ang Ebanghelyo:
1. Kahit nagpasabi sina Maria at Marta na si Lazarong kanilang kapatid ay napakalubha na ang karamdaman, hindi kaagad sumugod si Jesus para daluhan si Lazaro dahil nasa sulok din ng pag-iisip ni Jesus na kung bubuhayin muli niya si Lazaro sa sandaling si Lazaro ay pumanaw, maipapakita niya sa mga Judio na Siya ang muling pagkabuhay at ang buhay. Ang pagkabuhay muli ni Lazaro ay isang insulto sa mga Pariseo, eskriba at Sanedrin na nagbabanta sa kanyang buhay.
2. Nag-ala-ala ang mga alagad nang mag-desisyon si Jesus pagkatapos ng 2 araw na pumunta sa Betania sa may Judea para dalawin ang pamilya ni Lazaro dahil nang huling pumunta sila sa gawing ito ay tinangka ng mga Judio na batuhin at dakpin si Jesus. Pero ang natupad ay ang kagustuhang ito ni Jesus na makapunta sa Betania dahil sa gagawin niyang buhayin muli si Lazaro ay maging ginintuang pagkakataon para mapalakas ang pananampalataya ng mga alagad.
3. Mababakas ang kinukuyom na hinanakit ni Marta kay Jesus nang sabihin niyang, “Kung andito ka lang Panginoon, disin sana’y hindi namatay si Lazaro.” Pero dahil may kakaibang presensya at tinig si Jesus nabuhayan siya ng pananalig. Nahigtan pa nga nya ang pananalig ng mga Judio dahil sa halip na maniwala lamang na si Lazaro ay mabubuhay muli sa huling araw sinabi ni Marta na kung sakaling hihingin ora mismo ni Jesus sa Diyos na buhayin muli si Lazaro ay ipagkakaloob ito ng Diyos”. Mas matindi ang pananampalataya ni Marta dahil kahit ayon sa paniniwala ng mga Judio ay huli na ang lahat para sagipin si Lazaro magagawa pa rin ni Jesus ang himala. Ayon kasi sa paniniwala ng mga Judio, ang kaluluwa ay lumalayo sa katawan ng namatay patungo sa daigdig espiritwal pagkatapos ng tatlong araw. Pero nang dumating si Jesus sa Betania ay apat nang araw na nakalibing si Lazaro.
4. Nag-atubili si Marta sa utos ni Jesus na pabuksan ang yungib kung saan nakalibing si Lazaro dahil sa ika-apat na araw, lalo na kung tag-init, siguradong aalingasaw ang nabubulok nang katawan ni Lazaro; nakakahiya ito sa mga nakikipag-lamay.
5. Nang maipagulong na ang takip ng libingan, ang unang ginawa ni Jesus ay manalangin ng pasasalamat sa Diyos Ama dahil tiyak siyang pinakinggan nito ang kanyang kahilingan. Ipinarinig niya sa mga tao ang panalanging ito upang maipakita sa kanila na siya ay isinugo ng Ama sa Langit.
6. Para mas maipadama nya lalo ang pagmamalasakit kina Marta at Maria at para maipahayag niya sa mga Judio, lalo na sa mga Pariseo, Eskriba at Sanedrin na Siya mismo ay may kapangyarihan laban sa kamatayan, sumigaw si Jesus, “Lumabas ka Lazaro!”
Hamon:
Kagaya ni Marta, dinaraanan din tayo ng panghihina at pagtatampo sa Diyos dahil parang laging wala Siya kapag dumarating pati sa ating bansa ang iba’t-ibang uri ng kamatayan at sakuna. Ang hamon ay ito: Gayahin natin si Marta na kahit kuyom ang pagtatampo dahil parang wala si Jesus ay sinalubong pa rin at dinama ang presensya at tinig ni Jesus para maghari muli ang kanyang nanghinang pag-asa at pananalig. Gaya ni Marta sabihin rin natin kay Jesus na nagtitiwala tayo na anuman ang hilingin ni Jesus sa Ama ay kanyang ipagkakaloob… kahit yung dalangin na buhayin muli ang kaluluwa ng ating Bayan na unti-unting pinapatay dahil sa mailap na katotohanan at napakamamahaling katarungan.
“Andito ka sana … Kung andito ka lang...” Hindi ko alam kung ilan sa inyo ang nasumbatan na ng ganito. Hindi man tayo karapat dapat, ipadama natin na andito talaga ang Diyos sa pamamagitan ng ating presensya, tinig, gawain at ideyalismo. Maging ministro kayo ng pag-asa kahit pa meron kayong inyo-inyong ding binubunong magkakaibang kalbaryo.
Alam ninyo, 27 taon na akong pari, pero hindi pa ako nakakita ng pamilya na hinayaan nila ang kanilang yumao na humiga sa kabaong na naka-pambasketbol, naka-pambahay o naka-mini skirt. Lahat ay magagara ang suot dahil kombinsido tayo na kahit sila babalik sa alabok, haharap sila sa Panginoon. Maliwanag dito na malakas ang paniniwala natin sa Muling Pagkabuhay. Pero ang premyong ito ng Muling pagkabuhay ay laan lamang sa mga tao na kumilala kay Kristo sa ating mga mumunting karanasan ng kamatayan habang tayo pa ay nabubuhay. Sila lamang sa huling sandali ng kanilang buhay ang makakasambit ng sinabi ni Jacqueline Kennedy na nakaranas mismo ng kamatayan ng iba’t iba niyang mga mahal sa buhay: “Ang kamatayan ay hindi talaga pagkitil ng liwanag. Sa halip ang kamatayan ay para lang isang pagpatay ng isang lampara dahil dumating na ang bukang-liwayway. (Jacqueline kennedy)”
IgCo 100% Natural Colostrum Skim Milk
Ang Pagpapagaling ni Jesus sa Bulag
(John 9:1-41)
Msgr. Ruben Dimaculangan
Siguro ay nakadaan na kayo kahapon sa sine na ang pamagat ay “My BIG Love”. Tungkol ito sa isang mayamang bachelor (Sam Milby) na mahilig magluto, pero merong isang depekto: ang pagkataba-taba. Pero muntik na syang makatsamba ng mayaman ding mala-diyosa pa ang ganda na kanyang ka-chat na si Kristine Hermosa. Pero nang mag first date sila ay naunsyami ang babae, si Kristine, dahil di niya akalaing “dambuhala” ang kanyang makikita. Buti na lang at nakilala ni dambuhalang Sam Milby si Toni Gonzaga, isang fitness instructor o therapist para turuan siyang madisiplina ang sarili para pumayat. Pareho silang nagkagustuhan in the process pero ayaw nilang magpahalata sa isa’t isa. Ang malungkot nito, kinailangang magpunta ni Toni Gonzaga sa Japan dahil mahirap lang sila at pangarap nyang makapagtayo ng sariling health clinic pagkatapos ng 2 taon. Sa paglipas ng panahon nakita muli ng mala-diyosang si Kristine si Sam Milby na ngayon ay macho na dahil sa kanyang fitness exercises. Nagkagustuhan sila. Nalimutan na ni Sam si Toni Gonzaga na nasa Japan dahil hindi sumasagot ang huli sa kanyang emails. In short, sa pagsisikap ni Toni Gonzaga sa Japan umuwi siya at natupad ang pangarap na makapagpundar ng sariling health clinic. Pero nalungkot sya nang malaman na ikakasal na pala si Sam. To make the story short, sa bandang huli ipinalamang ng mala-diyosang si Kristine ang kanyang BF kay Toni Gonzaga dahil hindi talaga sila compatible. Si Sam na dating dambuhala at si Toni Gonzaga pa rin (yung fitness instructor) ang nagkatuluyan dahil ramdam ni Sam Milby na sa simula’t simula pa ay genuine si Toni Gonzaga. May prinsipyo ang dalaga at minahal siya kahit mukha pa siyang dambuhala noon.
Para itong isang fairy tale, pero iyan ang mensahe ng unang pagbasa. Ipinakita dito kung papaano si Yahweh pumili ng magiging dakilang Hari ng Israel hindi sa bikas at lakas ng katawan ng mga mas-panganay na anak ni Jesse kundi sa kasimplehan ng bunsong pastol na si David (1 Sam 16:1-7).
Ganito rin ang mensahe sa Ebanghelyo tungkol sa pagpapagaling kay Bartimeo. Ipinakita ni Jesus na ang paggaling at pananampalataya ay regalong dumarating hindi lang sa mga paladasal na mga Pariseo kundi sa mga yagit ng lipunan na katulad ng bulag na si Bartimeo (John 9:1-41).
Ang tunay na sumasampalataya katulad ng bulag na si Bartimeo ay alam ang pagkakaiba ng panlabas na religious practices sa tunay na pananampalataya. Alam niya na hindi sapat ang pagpunta sa pilgrimage sa Roma, sa Holy Land, sa Lourdes o Fatima para madama ang presensya ng Diyos. Batid niya na makikita rin niya ang Panginoon sa bahay ng mga mahihirap at maysakit. Katulad ng sinasabi ng CBCP sa sulat nila ng 18 February, alam nila na hindi sapat yaong communal action katulad ng nakalipas na Edsa1 at Edsa 2 kundi yaong isang special people power o communal action na nag-uugat mula sa simpleng mamamayan upang pagnilayan ang kanilang papel sa pagtatanggol sa katotohanan araw-araw hindi lang sa panahon ng ganitong may pumuputok na malaking krisis. Isang communal action ng edukasyon ng pagmamalasakit sa katotohanan na nagsisimula sa mga tatay at nanay at sa mga guro sa iskwelahan tungkol sa pagiging honest at pagmamalasakit sa kaluluwa ng bayan. Alam nya na hindi sapat na mabihisan ang mga santo kundi mas mahalaga ang hindi siya maging bulag sa pagiging “hubad” ng mga nasa laylayan ng lipunan. Kailangan ding pagsikapan niyang makita si Jesus sa mukha ng kanyang mga kapitbahay at at nasasakupan lalo na kung siya ay pinili nila sa isang halalan at pinagkatiwalaan ng public trust. Alam nya na hindi sapat ang maging dalubhasa siya sa pakikipagdebate para sa sinasampalatayanan. Kailangan ding makilala si Jesus sa makipot na daan ng sakripisyo at integridad. Sabi nga ni Cardinal Vidal, ang Diyos ay napakasimple. Kaya lang tayo nahihirapang maniwala sa kanya ay para bang hindi nakikita sa pagkatao at ginagawa ng mga Kristyano ang larawan ng pagmamalasakit ng Diyos. Hindi katulad ng ginawa ni Veronica na nang punasan ang duguang mukha ni Kristo ay nakita sa kanyang mantel (kawanggawa) ang imahen ng Diyos.
Alam nyo ang isa pang aral ng ebanghelyo ngayon ay ito: ang problema ng mga Pariseo ay hindi yung “sila ay bulag”. Ang problema ay ay yaong “ayaw nilang makakita”. Sabi nga ng sikat na bulag at bingi na si Helen Keller: “Ang pinakamalaking kalamidad na pwedeng mangyari sa atin ay hindi yaong isilang tayong bulag kundi yaong isilang tayong may mga mata pero ayaw naman nating gamitin para makakita.” At gusto ko pa pong dagdagan sa sinabi niya: “Mas masidhi ang kalamidad kung bukod sa ayaw makakita ng mga may mata ay pilit pa nilang tinatakpan ang mga mata ng iba samantalang napakalinaw na ng katotohanan”.
Tularan natin ang misyon ni Jesus na magbigay ng liwanag. Si Jesus ang nagbukas ng mga mata ni Zaccheo para maipakita ang panganib ng kayamanan. Binuksan niya ang mga mata ni Magdalena para makita ang liwanag ng biyaya, pagpapatawad at pagmamahal. Binuksan ni Jesus ang mga mata ng magnanakaw sa kanyang kanan para makita ang liwanag ng pagpapatawad at ng buhay na walang hanggan.
Sa mga taong natatakot mabuhay dahil sa kanilang kapintasan tulad ni Dambuhala sa sineng “My BIG Love”, o tulad ni Bartimeong isinilang na bulag, hwag kayong matakot. Alam ba ninyo na napakaraming mayaman ngayon, napakaraming naggagandahang mga babae at makikisig na lalaki na nagsusumigaw ang puso para sila ay mahalin. Iyan ang dahilan kung bakit yung ibang mayaman ay nangangamkam pa ng yaman at kapangyarihan… pero lalo silang hindi makaramdam ng kabusugan dahil napapawi sa kanilang mukha ang pagiging kawangis ng Diyos. Meron namang akala natin ay maraming nagmamahal dahil sa kanilang ganda at kisig ay saksakan pala ng lungkot dahil nalilito sila kung yaong minamahal sa kanila ng kapwa ay yun lang kanilang katawan, ganda at kisig. Kaya nga ay iba ay naliligaw na, nakakapang-api ng mga kababaihan at napapaglaruan ang kabanalan ng pag-ibig at sakramento ng kasal. Walang may monopoly ng lahat ng blessings sa buong buhay. Kaya nga, ngayong Kwaresma magandang maala-ala ang ganda ng mensahe ng Salmo Responsorio ngayon: “The Lord is my Shepherd. In Him, there is nothing I shall want.” Kay Jesus, hindi natin mararamdaman na mangangailangan tayo ng iba pa. Magdasalan po tayo sa isa’t isa.
Ang Samaritana sa may Balon ni Jacob
Noon pong isang linggo naala-ala natin ang pagbabagong-anyo ni Jesus sa bundok. Ngayon naman ay tungkol sa pagbabagong-anyo ng buhay ng Samaritana. Mayroon pong 3 dahilan kung bakit siya ay biglang nagbagong buhay.
a. Sa magandang pag-trato ni Jesus sa Samaritana, winasak ni Jesus ang diskriminasyon na ginagawa ng mga Judio sa mga Samaritano. Mababa ang pagtingin ng mga Judio noon sa mga taga-Samaria dahil nang sinakop ng mga banyaga ang Samaria ng limang beses, nakipag-asawahan sila sa mga banyaga. Sa tingin ng mga fundamentalistang Judio, nadumihan ang ugat ng mga Judiong taga-Samaria ng dugong banyaga kaya sila ay dapat lang ituring na mas-mababang uri na mga Judio. Pero si Jesus ay hindi naging matapobre sa Samaritana.
b. Kahit ang Samaritana ay may maruming nakalipas dahil nakisama sa limang lalaki, binale-wala ni Jesus ang kultura na nagbabawal sa kanya na makipag-usap sa isang makasalanan. Bistado ni Jesus na ang Samaritana ay makasalanan dahil sa halip na ito ay umigib sa umaga o hapon kasama ng ibang mga kababaihan, umiigib ito sa tanghaling-tapat kung kailan walang taong mangungutya sa kanya. Pero kahit ang Samaritana ay nagsisinungaling at dinidebate pa siya ipinadama ni Jesus sa kanya na merong tunay na pagka-uhaw na hindi mapapatid ng tubig sa balon at ng aliw mula sa tawag ng laman lamang.
c. Sa halip na gayahin ni Jesus ang kulturang Judio na ang mga Rabbi o mga guro ay di dapat makipag-usap sa publiko sa mga kababaihan, lalo na sa makasalanang Samaritanang ito, nabasa ni Jesus na ang pagkauhaw ng Samaritana ay hindi sa doktrina kundi sa pag-asa na ang Diyos ay ganon na lamang ang pagmamalasakit sa kanya kahit isa siyang nawalang tupa.
Angkop na angkop ang ebanghelyong ito mula kay San Juan 4: 5-42 ngayong Kwaresma at ngayong nasa gitna ng krisis ang ating bansa. Ang pakiramdam marahil ng iba sa inyo ay parang yung mga Judio na matapos makatawid sa Dagat na Pula at nang nauhaw sa disyerto ay sinisisi si Moises. Kanilang pinagtatalunan kung pinapatnubayan sila ng Diyos. Pinapaalalahanan tayong lahat na ang tunay na pagka-uhaw ng ating bansa ay mapapatid ng tubig na di nakakauhaw, ang “honesty power”. Oo, “honesty” na mula sa mga pinaka-aba ang katayuan sa lipunan hanggang sa mga pinagkatiwalaang lingkod-bayan. Kaugnay nito, bago umalis ang Kgg. na Arsobispo patungo sa Roma, nag-iwan siya ng mensaheng ito na pahintulutan ninyong aking babasahin:
Sa mga Pari, mga Relihiyoso at mga Mananampalataya ng Arsidiyosesis ng Lipa:
Mga pinakamamahal kay Kristo,
Lubos naming ikinababahala ang katayuan at direksyong tinutungo ng ating Bansa bunga ng mga alegasyon ng katiwalian diumano sa ilang proyekto ng pamahalaan. Kasama ng iba pang mga Simbahang Lokal sa Pilipinas, kami rin ay nananawagan na pagtibayin natin ang pagsampalataya sa Panginoon, ganon din sa kapangyarihan ng panalangin upang maghari ang biyaya ng “daan ng katotohanan”.
Naniniwala kami na kayo rin ay kombinsido na hindi sapat na tayo ay maging tagapanood lamang o magpadala sa kawalang-pag-asa. Kaya nga, kasama ng pagliligtas sa ating kaluluwa, gawin nating daan ang Panahon ng Kwaresma upang mapag-ukulan ng pansin ang pagliligtas rin sa “kaluluwa ng ating bayan”. Magtulungan tayong mapagdasalan at mapagnilayan ng lahat ng sektor (Obispo, estudyante, businessmen, accademes, taga-probinsya at Maynila) ang nararapat na communal action para sa katotohanan, kapayapaan at pag-unlad. Kasama ng communal action sa pananalangin, isang mas konkretong pagkilos kung ang una nating gagawin ay ang pagbunot ng ugat ng ating kasalanang personal. Ganon din, ang pagtatakwil sa kasalanan ng sistema na sa ating Bansa ay malimit sumuloy at matinding mag-ugat sa paglilingkod sa sari-sariling “pamilya” lamang.
Sama-sama tayong manalangin para sa liwanag ng Espiritu Santo at sa pagkalinga ng Mahal na Birheng Maria at San Jose . Inaasahan ko na sa pamamagitan din ng pagsunod sa panalanging isinasahimpapawid sa ating Archdiocesan Radio – 99.1, Spirit FM, tuwing ika-walo ng gabi, hindi lang sa panahong ito ng krisis, makakatulong tayo na makakamtan ng ating Bayan ang pagpapala na laan para sa mga anak ng Diyos.
Mga kapatid, bukas ay Anibersaryo ng People Power. Hindi po ako nawawalang-pag-asa kahit matapos ang 20 taon ay para bang nagkikikisay pa rin ang ating bayang api sa kumunoy. Kung tutuusin, ang problema natin siguro ay hindi yaong hindi tayo takot magbuwis ng ating buhay para sa demokrasya … kundi yaong ayaw nating pangalagaan ang demokrasya. Kayang-kaya ng iba na tawirin ang mga bundok at harapin ang lahat ng uri ng panganib para tapusin ang mapang-aping sistema, pero nawawala ang tyaga na siguraduhing hindi sumuloy ang kasalanan sa sistema araw-araw. Marahil ang maraming aktibista noon ay bumitaw at sumawsaw sa anlalawa ng pakaunti-konting “pakikisama” sa mga sinasabing mga katiwaliang “legal” na ngayon ay naging kable na na gumagapos sa kanilang kaluluwa at nagbilanggo sa kaluluwa ng bayan. Pero kagaya ng naranasan ng Samaritana, hindi pa huli ang lahat. Magandang ipaala-ala po sa inyong nagpapakabuti na nakikinig ngayon na dinaraanan ng panghihina, tandaan ninyo na hindi magagawa ng buwan (o ng mga taong tulad nyo na nagpapakatatag) ang kanyang mabuting trabaho na magbigay liwanag sa dilim ng gabi kung lagi nitong papansinin ang lahat na aso na tumatahol o nanunumbat sa kanya. Katulad ni Jesus, maging ministro tayo ng pag-asa sa isa’t isa.
Para sa mga above 20 years old na, nakita ko na "Mas naiintindihan natin ang buong buhay natin kung ito ay niri-review at pinagninilayan kasama lalo na ang mga pagkakataong tayo ay nadapa." Ang problema para sa ating lahat, para mag-move on, para ma-enjoy ang regalong buhay sa atin ng Diyos, hindi pwedeng paatras lagi ang tingin at magpakalunod sa ating nakalipas. Kinakailangang humakbang paabante.